Sa aking pag-gising
mula sa mahimbing na kabataan,
Ako ngayo'y lumiliyab na't lumalaban!
Lumapit, at ako'y pakinggan.
Ang mga mata kong dating naka-piring,
ngayo'y bukas na.
Nasisilayan ko na ang pawis at luha,
ng aking mga kapwa maralita.
Naririnig ko na ang iyak ng mga naapi:
Sa gunita ko'y sumasapit,
Sa puso ko'y lumalapit:
Ang dala ng mundong sadyang malupit.
Naamoy ko na ang nanlilimahid na anghit,
ng mga hayop na nagpapa-insenso
sa kinang ng ginto't kayamanan, mga hipokrito!
Poon ang pinapahayag, bulsa ang pinupuno.
Nahahawakan ko na ang mga ketong ng lipunan,
wala akong magawa't lumuha na lamang.
Sa aking kinahahantungan at nasasaksihan,
mga mata kong minumuta'y tuluyang nabuksan.
Sa aking pag-gising,
ako ngayo'y dumadaing.
Sa ulam kong tuyo't daing,
Pahayag ko, sa inyo nawa'y makarating.
No comments:
Post a Comment